Friday, October 2, 2009

pag ASA

Sisihan at sumbatan ang karaniwang maririnig sa mga nasalanta at naperwisyo ng bagyong "Ondoy". Di mabilang ang nag-aabang ng relief goods, gayundin ang naghihintay ng susundo mula sa kinatetenggahang bubungan, punong kinakakapitan, rumaragasang agos na kinalalanguyan at putikang kinasasadlakan. Marami ang nagagalit dahil wala pa ang inaASAhang pagkain, gamot, kuryente, inumin, at iba pang "aginaldo" mula sa gobyerno (ang aga naman ng pasko).
Bakit ganito ang isip at ugali ng Pinoy? Nais kong mamilosopiya habang nanonood sa kanila at nakikinig sa mga hinaing.
Marami sa Pinoy ang hindi sinanay na maging independent. Mula nang iluwal ang isang indibidwal na Pinoy ay sinanay itong laging may kasama. "Kapit sa nanay. Punta kay yaya. Pasama kay Kuya..." lumalaki ang bata at nagkakaisip na laging may kasama.Laging may inaASAhan. Dahil dito hindi natutong mamuhay ng nakapag-iisa ang isang Pinoy. Laging may kasama. Kasama na laging inaASAhan sa bawat saglit mula pagsilang hanggang paglubog ng araw.
Mapa-mayaman, mapa-mahirap, mapa-edukado, mapa-maestro/a, mapa-matalino, mapa-engot.... sama-samang pinagsasaluhan ang iisang epidemya - ang pagiging pala-ASA sa katabi. Kapag dinedma mo ang wish niya galit at may sumbat ka pa.
Hindi ko sinisisisi ang pamunuan ng gobyerno na labis ang kakulangan sa ganitong pagkakaton na sana taglay nila ang matalas na isip at determinadong desisyon. Hindi handa ang marami sa gabinete ni ate glo sa ganitong maputik na karanasan, dahil ang ilan sa kanila ay kabilang sa aristokrasya na hindi nasasayaran ng putik ang talampakan kaya hindi sanay kung ano ang gagawin sa masang nasadlak sa putikan kaya iniASA na lamang ang kanilang gawain at responsibilidad (o pinagsusuweldohang trabaho; kinsenas at katapusan) sa ngalan at balabal ng "empowerment", "decentralization" at "desolation".
Kung gayon, sino ang dapat kwestiyunin sa kakulangan ng kahandaan ng maraming Pinoy na protektahan at iligtas ang kani-kanyang sarili kapag dumarating ang mga kalamidad na pinagkakakitaan ng marami?
Si tatay at si nanay! Mga walang kwentang magulang sa iba't ibang aspeto ng pagpapamilya at pagmamagulang. Pasintabi at "beep-beep-beep" sa masasagasaan pero intensyon ko talagang managasa lalo na kapag hindi ginamit ang foot bridge at sinuway ang ilaw-trapiko.
Ang dami ng populasyong Pinoy ngayon ay bunga ng maagang pampupubuntis at pagpapabuntis sa panig ng maraming kabataan, estudyante man o out-of-school. Ang masaklap ay pinagli-live-in o pinag-aasawa ng kani-kanilang panig (magulang ng nabuntis at magulang ng nambuntis) ang dalawang tinedyer na hindi pa handang mangasiwa ng pamilya. Para "daw" hindi masira ang reputasyon ng kani-kanilang pamilya. May 'katok-wiran' nga naman ang mga elders. Hinto sa pag-aaral ang dalawa. Nagtraysikel driver si totoy at sa bahay lamang si nene. Nakikisilong sa bahay ng biyenan. Ulam lagi nina totoy at nene ay pancit canton, di bale, fortified naman ito ng vitamin e para sa magiging (mga) supling. ("E" stands for engot)
Ano naman kaya ang ituturo ng mga young parents na ito sa kanilang supling?
ASA. pag-ASA. walang katapusang pag-ASA sa kapwa. Hindi tinuruan ng maraming magulang ang kani-kanilang mga anak na tumayong mag-isa at iligtas ang sarili sa panahon na kinakailangang mag-isa ang isang indibidwal. Sa halip, marami sa mga Pinoy ang sinanay at nasanay na manghingi, mamalimos, magmakaawa, magpakabusabos at magpakapal ng mukha (ito na nga kaya ang bagong imahe ng 'dangal ng liping Pinoy'?) makamit lamang ang hinihingi na magagawa naman niyang iprodyus kung may talino at pagsisikap.
Kaya, masdan ang imahe ng mga Pinoy na nasalanta ng bagyong "Ondoy": bukas ang mga palad at bunganga sa paghihintay, pagmamakaawa at pag-aabang ng relief goods, kasi nire-repak pa ni "kapitan" sa barangay hall (sardinas sa mga nasalanta at corned beef sa kanyang mga kamag-anak na hindi naman nabasa ng ulan). Kasi, marami sa mga Pinoy, ay inuuna pang ipundar ang iPod, PSP, magagarang oto, at iba pang mga materyal na bagay na hindi naman talaga kailangan para mabuhay.... nasaan ang mga ito paghupa ng baha? Wala na... sana ibinili na lamang ng pagkain para hindi nagkaroon ng food shortage sa pamilya... sa gayon, hindi na sana umASA sa rasyon.




No comments:

Post a Comment