Friday, October 2, 2009

pag ASA

Sisihan at sumbatan ang karaniwang maririnig sa mga nasalanta at naperwisyo ng bagyong "Ondoy". Di mabilang ang nag-aabang ng relief goods, gayundin ang naghihintay ng susundo mula sa kinatetenggahang bubungan, punong kinakakapitan, rumaragasang agos na kinalalanguyan at putikang kinasasadlakan. Marami ang nagagalit dahil wala pa ang inaASAhang pagkain, gamot, kuryente, inumin, at iba pang "aginaldo" mula sa gobyerno (ang aga naman ng pasko).
Bakit ganito ang isip at ugali ng Pinoy? Nais kong mamilosopiya habang nanonood sa kanila at nakikinig sa mga hinaing.
Marami sa Pinoy ang hindi sinanay na maging independent. Mula nang iluwal ang isang indibidwal na Pinoy ay sinanay itong laging may kasama. "Kapit sa nanay. Punta kay yaya. Pasama kay Kuya..." lumalaki ang bata at nagkakaisip na laging may kasama.Laging may inaASAhan. Dahil dito hindi natutong mamuhay ng nakapag-iisa ang isang Pinoy. Laging may kasama. Kasama na laging inaASAhan sa bawat saglit mula pagsilang hanggang paglubog ng araw.
Mapa-mayaman, mapa-mahirap, mapa-edukado, mapa-maestro/a, mapa-matalino, mapa-engot.... sama-samang pinagsasaluhan ang iisang epidemya - ang pagiging pala-ASA sa katabi. Kapag dinedma mo ang wish niya galit at may sumbat ka pa.
Hindi ko sinisisisi ang pamunuan ng gobyerno na labis ang kakulangan sa ganitong pagkakaton na sana taglay nila ang matalas na isip at determinadong desisyon. Hindi handa ang marami sa gabinete ni ate glo sa ganitong maputik na karanasan, dahil ang ilan sa kanila ay kabilang sa aristokrasya na hindi nasasayaran ng putik ang talampakan kaya hindi sanay kung ano ang gagawin sa masang nasadlak sa putikan kaya iniASA na lamang ang kanilang gawain at responsibilidad (o pinagsusuweldohang trabaho; kinsenas at katapusan) sa ngalan at balabal ng "empowerment", "decentralization" at "desolation".
Kung gayon, sino ang dapat kwestiyunin sa kakulangan ng kahandaan ng maraming Pinoy na protektahan at iligtas ang kani-kanyang sarili kapag dumarating ang mga kalamidad na pinagkakakitaan ng marami?
Si tatay at si nanay! Mga walang kwentang magulang sa iba't ibang aspeto ng pagpapamilya at pagmamagulang. Pasintabi at "beep-beep-beep" sa masasagasaan pero intensyon ko talagang managasa lalo na kapag hindi ginamit ang foot bridge at sinuway ang ilaw-trapiko.
Ang dami ng populasyong Pinoy ngayon ay bunga ng maagang pampupubuntis at pagpapabuntis sa panig ng maraming kabataan, estudyante man o out-of-school. Ang masaklap ay pinagli-live-in o pinag-aasawa ng kani-kanilang panig (magulang ng nabuntis at magulang ng nambuntis) ang dalawang tinedyer na hindi pa handang mangasiwa ng pamilya. Para "daw" hindi masira ang reputasyon ng kani-kanilang pamilya. May 'katok-wiran' nga naman ang mga elders. Hinto sa pag-aaral ang dalawa. Nagtraysikel driver si totoy at sa bahay lamang si nene. Nakikisilong sa bahay ng biyenan. Ulam lagi nina totoy at nene ay pancit canton, di bale, fortified naman ito ng vitamin e para sa magiging (mga) supling. ("E" stands for engot)
Ano naman kaya ang ituturo ng mga young parents na ito sa kanilang supling?
ASA. pag-ASA. walang katapusang pag-ASA sa kapwa. Hindi tinuruan ng maraming magulang ang kani-kanilang mga anak na tumayong mag-isa at iligtas ang sarili sa panahon na kinakailangang mag-isa ang isang indibidwal. Sa halip, marami sa mga Pinoy ang sinanay at nasanay na manghingi, mamalimos, magmakaawa, magpakabusabos at magpakapal ng mukha (ito na nga kaya ang bagong imahe ng 'dangal ng liping Pinoy'?) makamit lamang ang hinihingi na magagawa naman niyang iprodyus kung may talino at pagsisikap.
Kaya, masdan ang imahe ng mga Pinoy na nasalanta ng bagyong "Ondoy": bukas ang mga palad at bunganga sa paghihintay, pagmamakaawa at pag-aabang ng relief goods, kasi nire-repak pa ni "kapitan" sa barangay hall (sardinas sa mga nasalanta at corned beef sa kanyang mga kamag-anak na hindi naman nabasa ng ulan). Kasi, marami sa mga Pinoy, ay inuuna pang ipundar ang iPod, PSP, magagarang oto, at iba pang mga materyal na bagay na hindi naman talaga kailangan para mabuhay.... nasaan ang mga ito paghupa ng baha? Wala na... sana ibinili na lamang ng pagkain para hindi nagkaroon ng food shortage sa pamilya... sa gayon, hindi na sana umASA sa rasyon.




Thursday, October 1, 2009

WER K N!?

... ISANG KWENTO NG KARANASAN, BUHAY SA MARAMI, KAMATAYAN SA IILAN...

Sabado. Setyembre 26, 2009. Alas kwatro y medya ng umaga. Gising na ako. Nakikiramdam sa sigwa ng hangin at ulan. May usapan kami ni Jayjay na pupunta sa PNU.
Alas singko ng umaga. Nagtext si Jayjay. Wag na lang daw kami tumuloy dahil risky baka abutin kami ng "tabsing sa daan."
Nagkasundo kami na huwag nang tumuloy sa PNU. Tulog na lang daw siya.
Pero, kailangan kong lumuwas para sa ibang kadahilanan. Isasabay ko sana kasi ang pagpunta sa PNU sa iba pang bagay na gagawin ko. Ok, hindi na tuloy ang PNU pero hindi maaaring hindi matuloy ang aasikasuhin ko sa imperyong lungsod ng Maynila.
Alas otso ng umaga sumakay ako ng bus. Baliwag Transit.
Habang daan natulog ako. Paggising ko, nasa bukana pa lang kami ng North Luzon Express (NLEX) nangangalit na ang ulan. Malakas ang buhos. Mabilis ang pahid ng wiper sa windshield ng bus. Naihi ang isang mama. Tumabi ang bus. Bumaba ang mama para umihi. Pagbalik sa loob ng bus, basa ang sapatos. baha na pala sa lagay na 'yun. Nagpatuloy ang bus sa paglalayag (hindi paglalakbay) kasi animo'y dagat na ang binabagtas patungo sa destinasyon nito.
Patungong Cubao ang bus na sinakyan ko, ang problema sa Paramount ang bus stop ng mga provincial bus operation pagkagaling ng Camachile. Mapapalayo ako. Kaya, kailangan ang drama. Lumapit ako sa pinto ng bus para sabihin sa kunduktor na naiihi ako. Kaya, umibis ako mula sa bus sa isang tabi na di-kalayuan sa Munos na bababaan ko.
Lalong lumakas ang ulan. Hanggang binti na ang lalim ng tubig-baha sa may Munos. Sumakay ako ng jeep papuntang Quiapo. Habang daan may mga sumasakay na basa ang buong katawan. Meron pang naka corporate attire na basa pati ang dala-dalang bag. Nakakatuwang pagmasdan ang mga imburnal dahil nagmistulang fountain ang mga ito. Ibig sabihin, hindi na makapasok ang baha sa imburnal kaya ibinubuga ito. Lumalalim na ang tubig-baha sa kahabaan ng Del Monte papuntang Quezon Avenue.
Bago dumating sa Araneta Avenue, nagkatrapik. Nainip ako sa tagal ng usad ng sasakyan. Pasado alas onse na noon ng umaga. Bumaba ako mula sa jeep na sinasakyan ko para maglakad. Nakarating ako sa simbahan ng Sto. Domingo.
Hindi nga makagagalaw ang sinasakyan kong jeep dahil merong mga sasakyang lumubog sa tubig-baha na ang lalim ay abot sa dibdib sa boundary ng Quezon Avenue at Espana hanggang Quiapo. Hindi alam ng mga drivers na nasa hulihang hanay ng trapiko na lulubog na rin ang sasakyan nila. Nang mga sandaling 'yun ay wala akong nakita ni isa mang MMDA (inisip ko na lang na baka tinawag silang lahat ni mang bayani sa marikina) Marikina and Manila Development Authority. It sounds good, di ba?
Dahil sa senaryong ito, sinamantala ko ang pagkakataon. Kinunan ko ng video ang mga pangyayari kasi gagamitin ko ito sa aking ginagawang funded research tungkol sa global warming at climate change.
Tinahak ang daan patungo sa mataas na lugar. Habang pabalik sa gawing Roosevelt Avenue, ako na mismo ang nagsasabi sa mga tsuper na bumalik na dahil lulubog ang kanilang mga sasakyan. Isang maliit na gawain na alam kong makatutulong ng malaki sa mga commuters.
Pagdating ko sa tulay ng Araneta, huminto ako. Pinanood ang umaapaw at rumaragasang tubig kasabay ang ilang aria-arian at bahay ng mga residente na inaanod pati ang lalagyan ng tubig, kaserola na nasa palanggana. Siguro hugasan yun na hindi natapos hanggang sa anurin ng baha. Harinawang hindi inanod ang naghuhugas. Nakipagkwentuhan ako sa ilang residente na naninirahan sa ilalim ng tulay na nawalan ng bahay. Ewan ko ba sa maraming Pinoy, ibang klase magpundar ng kabahayan at kabuhayan. Kung hindi sa ilalim ng tulay, sa runway, tabing riles, rampa, bulkan, breakwater.... meron na kayang nagtayo ng barung-barong sa pacific ocean. Astig nun kung meron man.
Malinis ang kahabaan ng Quezon Avenue papuntang EDSA dahil tumirik na ang mga dadaan sanang sasakyan sa lugar na yun. Habang naglalakad, nakasabay at nakakwentuhan ko ang mga tambay na naghahanap ng mga tumirik na sasakyan para itulak. Masaya ang huntahan namin. Sabi pa nung isang tambay, 'tuwing merong kalamidad ay nagiging pantay ang mayaman at mahirap' minsan pa ay lamang ang mahirap dahil maparaan ito para makaligtas sa panganib hindi katulad ng laki sa yaman na naghihintay na lamang ng tagapagligtas at hindi na gumagawa ng paraan kasi walang alam.
Nang biglang may naligaw na jeep na halos walang sakay. Biyaheng Kamuning-Edsa. Sumakay ako. Mahusay ang tsuper sa diskarte. Hindi niya sinunod ang ruta ng jeep niya, bagkus dumaan ito sa mga kalsadang matataas na hindi aabutin ng baha.
Pasado alas dose ng tanghali nang makarating ang jeep sa kanto ng Edsa-Kamuning. Hindi na ito tumawid ng edsa dahil hanggang hita na ang lalim ng baha. Lalo pang lumakas ang ulan. Tumawid ako sa edsa nang dahan-dahan. Ang nauna sa akin na mag-anak ay muntik nang matumba ng sama-sama dahil nakatapak ng lubak na nakapagpa off-balance sa kanila.
Nang marating ko ang MRT station, sumakay ako ng tren papuntang trinoma para bumili ng damit na pamalit. Nagmamadali na ako noon dahil inisip ko na sa sandaling magsara ang SM at Trinoma tiyak na siksikan ang mga ito sa tren. Habang binabagtas ng tren ang daang-bakal nito patungong North Avenue, nakikita mula sa kinaroroonan ko na lubog na ang mga daan patungong SM North at Monumento. Balak ko kasi na dumiretso ng Monumento pagkagaling sa Trinoma. Pero, imposible kasi non-passable na ang mga daan. matetengga lamang ako at kung mamalasin mapipilitang mag-swimming. No way! Kailangan kong mag-iba ng ruta patungong monumento.
Pagdating sa Landmark, punta agad ako sa bazaar para mamili ng mumurahing damit. Sa halagang 240 pesoses may pamilit na ako. Hindi pa naniniwala ang kahera na hanggang bewang na ang tubig sa ibaba ng trinoma. Naniwala lamang ito nang iabot ko sa kanya ang perang papel na tumutulo. Natakot na ang kahera at gustong umuwi. Sabi ko, 'wag. Dito ka na matulog. Mas ligtas kayo dito sa taas ng mall kaysa sa ibaba...' Ganda ng payo ko, para bang ako ang may-ari ng mall.
Agad akong sumakay ng tren (MRT) patungong Taf Avenue Station. Sa kahabaan ng EDSA, lubog na ito. Mga commuters na ang naglalakad sa mga flyover kasi wala nang mga sasakyang tumatakbo kasi kung hindi lubog, lumulutang. Tatlong bus na nasa tapat ng Camp Aguinaldo ang lubog sa rumaragasang baha. Bubong na lamang ang nakikita, habang ang mga pasahero ay kani-kanyang pulasan at ligtasan patungo sa kampo ng mga sundalo.
Siksikan ang mga pasahero sa treng kinasasakyan ko. Balisa. Tawagan dito, tawagan dun. Hangga't hindi pa nalolobat. Magkakahalo ang emosyon ng mga pasahero: merong nagugulat, nabibigla, nalulungkot, nanghihinayang, natatakot, nababagabag, naiiyak, natatawa, napapraning.... Water world ang kahabaan ng EDSA hanggang Magallanes at Pasay. Sa loob-loob ko, hindi pa ito 'yun... another disaster is about to come - extreme heat (il nino). Maka survive kaya ang merong mga aircon sa kani-kanilang bahay? How about lindol? Kasi magkakamag-anak ang mga ito. Ang common denominator ay "global warming at climate change.' Gawa ng walang patumanggang pagputol ng mga puno at pagtotroso sa mga kabundukan.
Bago mag ala-una ng hapon ay nakarating ako sa EDSA station ng line 1 ng LRT patungong Monumento. Maluwag ang LRT ng mga oras na iyon. Hanggang tuhod at bewang ang baha sa kahabaan ng Taft Avenue hanggang Avenida. Apaw ang ilog-Pasig. Brown out na sa ilang lugar sa Malate. Ang mga teachers at estudyanteng nagpilit pumasok sa eskwela ay naglusungan sa baha. Nagkalat din ang mga manyakis na nag-aabang sa mga kolehiyalang nakadamit ng puting uniporme na nabasa dahil sa paglusong sa baha. Lahat ng mga basurang itinago at itinapon ay naglutangan sa baha kahalo ang iba't ibang ihi at tae (pasintabi sa nagrorosaryo). Nang mapadaan ang treng sinasakyan ko sa sementaryo ng mga intsik sa may R. Papa Station nasambit ko sa loob k na 'mabuti pa ang mga patay ay nasa konkretong bahay, samantalang ang mga buhay ay walang konkretong bahay.' Pagdating ng tren sa 5th Avenue, bumaba ako. Pinili kong dumaan sa lugar na yun dahil hindi ito inaabot ng baha. Naglakad ako hanggang sa makarating sa terminal ng Baliwag Transit sa 2nd Avenue. Sampung bus ang naabutan ko sa terminal. Puno ng mga pasahero. Naghihintay ng pagbiyahe patungo sa kani-kanilang destinasyon mula pa ala una ng hapon. Isinara 'daw' ang NLEX dahil non-passable. Mataas ang tubig-baha. Maraming estranded na pasahero sa terminal. Higit, marami ang nakatayong pasahero, siksikan dahil walang maupuan. Isa hanggang walong oras na nakatayo sa ulanan. Nang matiyak kong hindi na ako lulusong sa baha, nagpalit na ako ng damit. Ang lahat kong mga kasakay ay basa ang kasuotan.
Nagkaubusan ng mabibiling pagkain. Ultimong pancit canton sa tindahan ay pinatulan dahil sa gutom. Sa halip na makipag-agawan ako sa ibang pasahero na makabili ng pancit canton, minabuti kong pumunta sa isang beer house na kalapit ng terminal. Doon ako kumain ng kaning mainit at ulam na sardinas at softdrink na sprite. Saka ako nagbalik sa terminal. Habang naghihintay ako ng go signal ng dispatcher para bumiyahe ang bus, naglibot-libot ako at nakipagkwentuhan sa mga naantala. Sa daming pasaherong nakausap ko, wala ni isang ideya tungkol sa nangyayaring kalamidad. Kailangan ko pang ipaliwanag ang epekto ng pagpapakawala ng tubig sa mga dam ng ecija, vizcaya at bulacan. Para bang wala silang pakiramDAM. Ang ilan sa kanila ay hindi alam na may bagyo, ulan lang daw. Sabagay, ano nga naman ang maisasabunot sa isang kalbo. Dapat dito, batukan. Isa lamang ang konklusyon ko: maraming hindi alam ang maraming Pinoy tungkol sa mga pangunahing kaalaman na dapat ay alam nila. Wawa naman. Hindi handa ang nakararaming Pinoy sa mga ganitong kalamidad. Mabuti pa ang mga hantik na langgam sa aming bakuran marunong ng survival. Pinagdidikit ng mga ito ang malalaking dahon na nasa mataas na bahagi ng puno na hindi aabutin ng baha at sa loob ng balisungsong na dahon sila nagtago kasama ang mga pagkaing kinolekta bago bumaha. Nag-iwan lamang sila ng dalawang maliit na butas para (siguro) magsilbing entrance at exit. Baka meron pang guwardyang langgam: no ID no entry.
Bago maghatinggabi, humina ang ulan. Unti-unti nang nagdatingan ang mga bus mula sa Bulacan. Sa loob-loob ko passable na ang NLEX.
Ang mga bus na dumating sa terminal bago magtinggabi ay umalis ng Bulacan ng alas onse ng umaga. Ilan sa mga bus ay hinatak na dahil tumirik.
Bago mag alas dos ng madaling araw, Seytembre 27, nag announced ang dispatcher na pwede nang bumiyahe ang mga bus. Natulog na ako sa aircon bus na sinasakyan ko. Marami ang nakatayong mga pasahero. Kabi-kabila ang tawagang naririnig ko sa mga kasakay ko: wer ka na, asan ka na, anong oras ka darating.... lubog na ang bahay na natin... bubong na lang ang nakikita... lumikas na kami, baka di mo na kami abutan sa bahay... kumain ka na ba... hindi pa umuuwi ang anak mo, di ko alam kung saan nagpunta... lobat na ako...
Nang magising ako, alas sais na ng umaga. Nasa gawing Bocaue pa lang ang bus na sinasakyan ko. Sunud-sunod ang mga bus na akala mo may field trip. Napatunganga ang mga pasahero ng bus nang mabungaran ang nangyari sa NLEX noong nakalipas na gabi: malalaking puno ng saging naghambalang sa kalsada; mga bilboards ibinagsak ng malakas na tubig at hangin; merong ilang tao na naglagay ng papag sa itaas ng billboard buti na lang at hindi ito bumagsak; mga kabahayan, lubog sa tubig baha; nasira ang mga pader sa NLEX dahil sa pagtawid ng rumaragasang tubig sa kalsada; mga palayan, lunod sa baha; mga kasangkapan, inanod; makapal ang putik sa kahabaan ng NLEX na naging sanhi ng pagbagal ng mga sasakyan; nakahilira sa shoulder road ang mga tumirik na sasakyan... devastated ang lugar.
Alas siete na ng umaga nang makarating ang bus sa Bulacan. Mula sa terminal nito, naglakad ako pauwi at dinaanan ko ang tulay ng Bustos kung saan mataas ang tubig na nanggagaling sa Ipo at Angat dam. Maraming residente ang nawalan ng mga gamit at bahay dahil inanod ng tubig-baha.
Maghapon... magdamag... patuloy ang ang rescue operations sa iba't ibang dako ng Luzon... naghahanap at nagbabakasakali...WER K N..?